Maligayang araw sa mga nanay!
Ngayong Araw ng mga Nanay, hatid ng Adarna House ang mga kuwentong nagpapakita at nagpapadama ng pag-ibig ng isang Ina, Nanay, Mommy, at Mama. Mga kuwentong nagpapakita ng walang maliw, walang katulad na pagmamahal ng isang ina, at paggabay ng Ilaw ng Tahanan, isang ina na handang gawin ang lahat para sa pamilya.
Papel de Liha
Kuwento ni Ompong Remegio
Guhit ni Beth Parrocha-Doctolero
Ang Papel de Liha ay kuwento ng isang inang gumaspang na ang mga palad dahil sa dami ng gawain sa bahay, pero lumalambot at gumagaan ang kapag nag-aalaga ng anak.
Araw sa Palengke
Kuwento ni May Tobias-Papa
Guhit ni Isabel Roxas
Ang kuwentong ito ay tungkol sa pagsama ng nanay sa kaniyang anak sa palengke. Makikita sa palengke ang iba’t ibang bagay na mabibili. Ngunit gaya ng bilin ng mga nanay, “Bawal magpabili”. Nagtutúro ang kuwentong ito ng pag-uunawaan sa pamilya.
Isang Harding Papel
Kuwento ni Augie Rivera
Guhit ni Rommel Joson
Umiikot ang Isang Harding Papel sa relasyon ng anak at ng kaniyang ina. Ipinakikita nito ang pagmamahal ng ina sa kaniyang anak, kasama ng kaniyang pagmamahal sa Inang Bayan, sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa diktador noong panahon ng Martial Law.
Maghapon Namin ni Nanay
Kuwento ni Genaro Gojo-Cruz
Guhit ni Nicole Lim
Tampok sa librong ito ang araw-araw na gawain ng nanay sa bahay. Naipakikita rin dito ang pagiging kampante ng anak sa piling at gabay ng kaniyang ina.
Naaay! Taaay!
Kuwento ni Kristine Canon
Guhit ni Vanessa Tamayo
Sa kuwentong ito, makikita ang walang-katapusang mga hiling at tanong ng mga anak sa kanilang magulang at walang sawang paggabay naman ng magulang sa kanilang mga anak.
Mula sa Adarna House, maraming salamat po, ‘nay!