Al Estrella: Guro at Ilustrador

al-estrella

Alam ba ninyong isang guro din si Al Estrella? At na pagtuturo ng agham ang kinuha niyang major sa kolehiyo? Tulad ng maraming manlilikha ng mga libro ng Adarna House, mayroon ding ibang pinagkakaabalahan ang kilalang ilustrador ng mga librong Kakanin, Supremo, at Pangkat Papaya. At isa nga rito ay ang pagiging guro sa isang pribadong paaralan.

Dahil marami pa tayong hindi alam tungkol sa kaniya, kinausap namin siya at malugod naman siyang nagkuwento tungkol sa buhay niya bilang isang guro.

Kailan mo napagpasiyahang maging isang guro? Paano mo naman ito natupad?

Naisip kong maging guro noong naging katekista ako sa hayskul. Ibang saya kasi ang nakukuha ko sa pagtuturo. Pero maraming nagbabala sa akin na walang pera sa pagtuturo, kaya nang naging guro ako, nagtinda ako ng longganisa sa klase. Biro lang!

Nagsimula akong magturo noong 2008 pagkatapos makakuha ng degree sa Elementary Education, na may major sa agham, pero di ako nakapagturo ng agham kailanman. Ang totoo, walong taon na akong nagtuturo ng Filipino. Mukha yatang nakatadhana na kami ng Filipino sa isa’t isa.

Tungkol sa pagtuturo ang laman ng blog mong Teacher’s Pwet. Paano mo naisipang gawin ito?

Noong nagtuturo pa ako sa isang pampublikong paaralan, nalaman kong maraming nakatatawa at nakatutuwang kuwento sa loob ng klasrum, kaya naisipan kong gumawa ng blog. Noong una, isinusulat ko lamang ang mga ito pero nang tumagal na, gumawa na rin ako ng komiks.

Mga classroom bloopers ang karamihan sa mga ito. Tuwang-tuwa na ko noon na may mangilan-ngilan na nakababasa hanggang sa dumami na silang mga tagasubaybay ko.  Lumabas din sa diyaryong Inquirer ang Teacher’s Pwet nang ilang linggo. Sa kasalukuyan, hindi na muna aktibo ang blog na Teacher’s Pwet. Marami kasing order ng longganisa.

al-estrella-comics-a

Sa blog na ito napansin ang galing mo sa pagguhit. Paano mo nahasa ang kakayahan mo sa pagguhit?

Sa pagba-blog ko nga nakuha ang unang kliyente ko sa paggawa ng libro. Pero bata pa lang ako, gusto ko nang gumuhit. Ang tatay ko ang unang guro ko sa pagguhit at paglilok ng clay. Akala ko nga noon, niloloko lang ako ng mga guro ko kapag pinupuri nila ang mga gawa ko. (Ngayon, ako na ang nanloloko sa mga estudyante ko. Biro lang!)

Dahil wala naman akong gaanong alam sa teknikal na bagay pagdating sa pagguhit at sa mga tamang gamit para dito, madalas akong humanap ng inspirasyon sa ibang ilustrador. Sumali rin ako sa Ang Ilustrador ng Kabataan noong 2013 para mas mahasa pa ang kakayahan ko.

al-estrella-comics-b

Dalawa ang paraan mo sa paglikha ng ilustrasyon – clay sa Kakanin at komiks sa Supremo at Pangkat Papaya. Paano mo naisip na subukan ang mga ito?

Gusto ko na ng clay art noon pa pero hindi ko alam na posibleng gamitin ito para sa aklat pambata hanggang sa nakita ko ang Dindo Pundido. Naisip ko noon na balang araw, magkakaroon din ako ng aklat na pambata na gamit ang clay!

Mahilig din akong magbasa ng Calvin and Hobbes at Kikomachine kaya naisipan kong subukang gumawa ng komiks dati. Masuwerte ako sa Supremo at Pangkat Papaya dahil hinayaan ako ng Adarna House na gawin ang gusto ko sa pag-illustrate nito.

Ano naman ang mga pangarap mong malikha o maiguhit na aklat pambata?

Gusto kong makagawa ng sariling kuwentong pambata, ‘yong ako mismo ang nag-isip ng kuwento at gumuhit. Gusto ko ring makagawa ng isang kakaibang alphabet book. Basta kakaiba, at basta longganisa ang para sa letrang ‘l’.

 

Talagang aabangan naming iyan, Al. Maraming salamat sa pagpapaunlak!

 

 

Advertisements

1 Comment

Filed under Adarna House

One response to “Al Estrella: Guro at Ilustrador

  1. wow! Nakaka inspire :) Balang araw, hindi lamang ako magiging isang guro. Magiging isa rin akong may akda ng mga aklat na babasahin ng mga magiging estudyante ko pa sa hinaharap.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s