Nagtipon-tipon ang mga guro ng Filipino mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon noong ika-31 ng Enero, 2015 sa Lungsod Baguio para sa isinagawang Ikatlong Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino ng Adarna House, sa pakikipagkatuwang ng Step Learning Academy.
Sa nangyaring Kumperensiya, nagsilbing pangunahing mga tagapagsalita sina Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining, at Dr. Michael M. Coroza, premyadong makata, guro, at tagasalin. Sinamahan sila nina Reagan Austria, techonology integrator at guro sa Xavier School; Paolo Paculan, guro sa Ateneo de Manila Grade School at sangguni ng Kagawaran ng Edukasyon sa kurikulum; at Dr. Edgar Samar, propesor sa Ateneo de Manila University at premyadong manunulat.
Hinikayat ng mga naging tagapagsalita ang mga gurong maging masugid sa kanilang tungkuling maging malay sa kasaysayan at ebolusyon ng mga wikang Filipino, maging tagasalin ng mga kaalaman tungo sa mas madaling pag-unawa, maging maparaan at makatwiran sa paggamit ng teknolohiya, maging bukas at mapanuri sa bagong panitikan, at maging mapagmasid sa kulturang popular at sa kung paano ito magiging kasangkapan sa makabuluhang edukasyon.
Noong 2011 unang isinagawa ng Adarna House ang Kumperensiya, na nangyayari bawat dalawang taon.