Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang paglaya ng ating bansa mula sa mga Espanyol. Marami pang ibang anyo ng pagiging di-malaya ang pinagdaanan—at patuloy na pinagdaraanan—ng mahal nating bayan. Kahit ang kinikilalang petsa at mga bayani ng Araw ng Kalayaan ay isang masalimuot na usapin.
Tunay ngang mas mabuting tingnan ang kasaysayan hindi bilang basta-bastang katotohanan, ngunit bilang balon ng kamalayang gagabay sa ating hinaharap. Narito ang ilang libro, mula sa aming seleksiyon, na maaari nating maging kaibigan sa pagkakakilala natin ng ating kalayaan:
Dalawang Bayani ng Bansa
Isinulat ni Rene O. Villanueva
Iginuhit ni Joel Jason O. ChuaSa panulat ng dakilang Rene O. Villanueva, sinasalamin at sinasalungat nina Rizal at Bonifacio ang buhay ng isa’t isa. Hindi maipagkakailang sila ang pinakabayani ng rebolusyon laban sa Espanya, at nanatiling matitibay na sagisag ng pakikipagsapalaran ng mga Filipino.
Serye ng Batang Historyador
Isinulat ni Augie Rivera
Mabuting alalahaning hindi sa mga Espanyol nagsimula ang ating kasaysayan, at hindi rin doon natapos ang ating pakikipaglaban. Sa serye ng Batang Historyador, ipinapakita ang kalagayan ng mga bata sa limang makabuluhang tagpo ng ating kasaysayan.
Si Ambongan
Isinulat ni Lamberto Antonio
Ayon sa Makisig, The Little Hero ni Gemma Cruz Araneta
Iginuhit ng JB Dela Peña
Isinalin sa Cebuano ni Dr. Erlinda K. AlburoSimula’t simula pa lamang, magiting nating nilabanan ang ating mga mananakop. Ito ang kuwento ng isang munting bayaning nagpakita ng tapang sa Cebu noong 1521.
Woman in a Frame
Isinulat ni Raissa Rivera Falgui
Isang nobelang pambata, nanalo ang elektronikong bersiyon nito sa 2nd Filipino Readers’ Choice Awards 2013 Novel in English. Pinapagitnaan dito ng kasalukuyan ang nakaraan, bilang pagkilala sa mga suliraning lagi’t laging hinaharap ng mga babae para sa kaniyang sarili, at para sa kaniyang bayan.
EDSA
Isinulat ni Russell Molina
Iginuhit ni Sergio Bumatay IIIPagkakaisa at malasakit sa bayan and kinakatawan ng mapayapang pakikipaglaban ng mga Filipino sa EDSA upang wakasan ang isang rehimeng nagpakasasa sa kapangyarihan. Binibilang ng librong ito ang mga sagisag ng EDSA, na naging daan sa panunumbalik ng ating demokrasya—yamang hindi mabibilang.
Supremo
Isinulat ni Xi Zuq
Iginuhit ni Al Estrella
Iniidolo ni Andro si Bonifacio, kaya’t gusto niyang maging Supremo—pinuno ng student council ng kanilang paaralan. Ipinapaalala ng napaka-cute na nobelang ito na ang kamalayan at kagustuhang magsilbi sa bayan at sa kapwa ay nagsisimula sa kabataan.
What Kids Need to Know about Andres and the Katipunan
Isinulat ni Weng Cahiles
Iginuhit ni Isa NatividadBilang mabuting Supremo, pinaligiran ni Bonifacio ang kaniyang sarili ng matutuwid at matatapang na taong magiging kaisa niya sa mithing kalayaan. Sa librong ito, ipinapakilala hindi lamang si Andres, ngunit pati ang mga kasama niya sa Katipunan ng mga anak ng bayan.
Ang Pamana ni Andres Bonifacio
Sinaliksik ni Emmanuel Encarnacion
Niretratuhan ni Jinggo Montenejo
Dinisenyo ni Eli Camacho
“Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag.” Mula sa koleksiyon ng historyador na si Emmanuel Encarnacion, naririto ang iba’t ibang bagay at dokumentong nagbibigay-liwanag sa mga kaisipan at gawaing naghatid sa atin ng minana nating kalayaan.
101 Filipino Icons
Sa patnugot nina Ani Rosa Almario at Virgilio S. AlmarioUna sa dalawang tomo ng mga sagisag-kultura, inipon sa librong ito ang mahahalaga at makasaysayang mga bagay, tauhan, pangyayari, at kaisipang nagbibigkis sa bawat Filipino. Masayang malaman, na sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ng ating bayan, marami tayong maaaring ipagmalaki at masasabing sa atin lamang.
Guardians of Tradition
Isinulat ni Mae Astrid Tobias
Iginuhit ni Rommel Joson
Niretratuhan ni Renato S. Rastrollo
Sa bawat pananakop, siguradong may bahagi ng ating kulturang nabubura at nakalilimutan. Nagpapasalamat ang librong ito sa mga kababayan nating nangangalaga sa mga tradisyong nagmula pa sa ating pinakaninuno. Kilalanin sila, ang mga mamamayang nagkamit ng Gawad Manlilikha ng Bayan.
A Boy Named Ibrahim
Isinulat ni Sitti Aminah “Flexi” Sarte
Iginuhit ni Aaron AsisHindi tunay na maituturing na malaya ang isang bayang patuloy na pinagbubuklod ng di-pagkakaunawaan. Silipin ang buhay ng isang batang Muslim, kilalanin ang kaniyang paniniwala, at maging kasama sa landas tungo sa pagkakaisa.
Noli Me Tangere
at El Filibusterismo
Isinulat ni Jose Rizal
Isinalin ni Virgilio S. Almario
sa Filipino
Mahigit 100 taon na ang nakalilipas, ngunit ang mga suliraning isiniwalat ni Rizal sa kaniyang mga nobela ay patuloy na umiiral sa kasalukuyan. Ipinamamalas ang katiwalian ng lipunang kolonyal—hindi lamang ng mga Espanyol ngunit kahit ng mga Filipinong hindi marunong magpahalaga sa kanilang sariling wika at kasarinlan, kinikilala ang mga nobelang ito bilang mitsa ng Himagsikang Filipino.
Pingback: Children’s Book (Independence Day) | The UPOU Book Club