#JanusSilang : Paglulunsad at Bookuwentuhan


Inaanyayahan ang lahat sa paglulunsad ng nobelang Si Janus Silang at ang Tiyanak ng Tabon, ang unang aklat sa seryeng likha ni Edgar Calabia Samar. Magkita-kita po tayo sa Adarna House Showroom nang 3:00 NH sa Sabado, ika-10 ng Mayo para sama-sama nating salubungin si Janus sa isang munting salusalo.

Mabibili ang libro sa halagang Php140.00 (mula sa regular na presyong Php175.00) sa Sabado. Inaanyayahan rin ang lahat ng nakapagbasa na ng libro upang magpapirma at makipagkuwentuhan sa may akda tungkol sa nobela.

Ito ang una sa mga serye ng kuwentuhan para sa #JanusSilang ngayong buwan. Abangan ang aming balita tungkol sa mga susunod pa sa mga parating na araw.

Para sa mga katanungan, maaring makipag-ugnayan sa (02) 3526765 local 118.

Tungkol sa Aklat
Sa tournament ng TALA Online sa bayan ng Balanga, namatay ang lahat ng manlalaro maliban kay Janus. Sunod-sunod pa ang naging kaso ng pagkamatay ng mga kabataan sa computer shops sa iba’t ibang panig ng bansa. Kinontak si Janus ng nagpakilalang Joey, isa rin umano sa mga nakaligtas sa paglalaro ng TALA na gaya niya. Hindi inasahan ni Janus ang mga matutuklasan niya mula rito na mag-uugnay sa kanya sa misteryo ng kinahuhumalingan niyang RPG—at sa alamat ng Tiyanak mula sa Tábon!

Tungkol sa Manunulat
Si Edgar Calabia Samar ay ipinanganak sa Lungsod San Pablo at nakapagsulat na ng dalawang nobela, ang Walong Diwata ng Pagkahulog (2009) at Sa Kasunod ng 909 (2012). Itong Janus Sílang series ang una niyang kathang YA. Nagtuturo siya ngayon ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Ateneo de Manila University. Mahigit sampung taon na ang nakararaan nang una siyang makakilala ng isang Púsong.

Advertisements

Comments Off on #JanusSilang : Paglulunsad at Bookuwentuhan

Filed under Adarna House, Book events, New releases

Comments are closed.