Mga aklat para sa intermedyang mambabasa

intermediate-readers

Malaking bagay sa paghubog sa habambuhay na hilig sa pagbabasa ang pagkakaroon ng akmang libro ayon sa edad, kakayahan, at interes ng isang bata. Kaya sinisikap ng Adarna House na lumikha ng magiging kasa-kasama ng mga bata, mula pagsilang hanggang sa bawat hakbang ng kanilang paglaki. Naririto ang mga uri ng libro naming maaaring imungkahi sa mga intermedyang mambabasa.

Karaniwang sa gulang na sampu, inaasahan ang mga bata na magkaroon ng kakayahang umunawa sa mas mahahabang teksto, sari-saring estruktura ng pangungusap at mas mahirap na bokabularyo. Upang tugunan ang paghubog ng kakayahang ito, may mga aklat na ginawa para sa mga intermedyang mambabasa tulad ng mga sumusunod:

  • May mga picture book na akma sa mga intermedyang mambabasa. (Halimbawa, ang mga picture book naming para sa Grade 4 hanggang 6.) Mainam ito sa mga mambabasang mas nauunawaan ang teksto kapag may tinitingnang guhit. Mainam din itong introduksiyon ng iba pang intermedyang babasahin dahil ito ang nakasanayang anyo ng mga bata.
  • Mainam naman ang mga graphic novel at komiks (tulad ng PilandoKomiks) upang simulan ang pagbabasa ng mga bata ng mas mahabang aklat. Bukod sa iba pang nalilinang na kakayahan ang mga ito, napapagaan nito ang pagbabasa ng mas makapal na teksto lalo na sa mga nasanay sa picture book.
  • Ang mga antolohiya ng mga kuwento at tula ay bagay din sa mga intermedyang mambabasa. Ang mga aklat na ito ay karaniwang may iilang ilustrasyon. Mainam ito dahil binibigyan nito ng pagkakataon ang mga bata na dahan-dahang tapusin ang buong aklat sa paisa-isang pagbasa ng mga akda. Ngayong taon, 2 antolohiya ng maiikling kuwento ang naidagdag sa aming catalog: Good Night, Lala at Piagsugpatan: Stories of the Mandaya.
  • Mahaba at binubuo naman ng mga kabanata ang mga chapter book at nobela. Karamihan sa mga ito ay mangilan-ngilan na lamang ang ilustrasyon. Dahil na rin sa haba ng mga akdang ito, mas marami rin ang mga tauhang tatandaan ng mga mambabasa at magiging mas malalim ang pagkakakilala sa mga bida ng kuwento.

 

Comments Off on Mga aklat para sa intermedyang mambabasa

Filed under Adarna House

Comments are closed.