Ngayong araw ang ika-30 pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Aklat Pambata o National Children’s Book Day! Kung wala pa kayong maisip na sarili ninyong ambag upang maging makabuluhan ang araw na ito, narito ang ilang maaaring gawin:
- Magbasa ng mga book blog. Bisitahin ang mga book blog, lalo na ang mga nagtatanghal ng mga aklat at akdang pambata sa bansa. Basahin ang kanilang mga rebyu ng mga aklat at mga panayam sa mga manlilikha ng mga aklat pambata. Tiyak na marami kang matutuhan sa industriya ng paglikha ng mga aklat pambata na sariling atin. Maaaring magsimula sa blog ng nagwagi ng PBBY-Salanga Prize ngayong taon, o sa blog ng papasok na pangulo ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY), na siyang punong organisasyon para sa pagdiriwang ng NCBD.
- Sumuporta sa isang proyekto. Tumulong sa mga organisasyon o indibidwal na may mga proyektong may kinalaman sa panitikan at mga aklat pambata. Maaaring magbigay ng mga kailangan nila (tulad ng mga libro), bumoto online, o ipamalita sa ibang tao ang tungkol sa kanilang proyekto.
- Magsulat o gumuhit ng mga akdang pambata. Baka panahon na rin upang palabasin ang inyong pagkamalikhain. Magsulat ng kuwento, tula, at iba pang akdang pambata. Subukin ding gumuhit ng sariling interpretasyon ng mga akdang pambata. Mainam na gawin ito kasama ng mga bata.
- Disenyuhin ang inyong lugar. Lagyan ng mga palamuti ang iyong mesa sa opisina, dingding sa klasrum, pasilyo sa paaralan o kuwarto sa bahay na may kinalaman sa mga akda at aklat pambata. Mas masaya kung ang mga disenyo ay batay sa mga tauhan sa mga aklat pambata. (Maaaring kunin ang imahen mula sa nakaraan naming blog post upang i-print at ipaskil.)
- Ibahagi sa iba ang mga paborito mong aklat. Maglaan ng kahit ilang minuto upang ibahagi sa ibang tao ang mga pinakagusto mong aklat pambata. Maaaring magsagawa ng book talk session sa inyong pamilya, paaralan, opisina, at barkada. Kung hindi kayang magsagawa, maaaring mag-upload ng larawan o video sa mga social networking site upang itanghal ang mga paborito mong aklat!
Siyempre, pinakapayak na paraan ang magbasa at basahan ang iba, bata man o matanda, ng mga aklat pambata. At dahil pagpupugay kay Andres Bonifacio ang pagdiriwang ng NCBD ngayong taon, mainam ding ilaan ang araw sa muling pagkilala sa kaniya.
Anuman ang piliin ninyong gawin upang ipagdiwang ang NCBD, huwag kalimutang hindi nagtatapos sa araw na ito ang pagpapahalaga sa mga aklat pambata!