Mainam ang pagbabasa ng mga tula sa mga bata, lalo na sa mga nagsisimula pa lamang matuto ng wika. Bukod sa nagbibigay ito ng panahon para sa interaksiyon sa pagitan ng anak at ng magulang o guro, narito ang ilan pang magandang dulot ng pagbabasa ng tula sa mga bata:
- Ipinapakilala ng tula, lalo na iyong mayroong tugmaan, ang mga tunog ng isang wika, na mahalaga sa pagkatuto nila ng wika. Sa mga tinutugmang salita, halimbawa, makikilala nila ang kaibahan ng mga salitang may impit at wala o ang mga malalakas at mahihinang katinig.
- Napapalawak din ng tula ang imahinasyon ng mga bata, lalo pa at sinusubukang tingnan ng tula ang mga bagay sa kanilang paligid sa iba pang paraan. Matuturuan ng tula kung paano naghahambing ng mga bagay at ang mga salitang ginagamit dito.
- Marami ring mga tula ang tiyak na aaliw sa mga bata dahil sa mapaglarong tunog, inilalarawang imahen o inilahahad na salaysay. Ang pagkaaliw nila sa tula ay maaaring mag-engganyo sa kanila na magbasa pa ng ibang uri ng akda. Nakatutulong din sa malusog na paglaki ng mga bata ang pagkaaliw.
- Nahahasa ng tula ang isipan ng mga bata, lalo na sa mga tulang nagpapahula sa inilalarawang imahen o iyong nagpapapuno sa kanila ng mga bagay na hindi binanggit sa tula.
- Ang mga tula namang nagsasalaysay ay maaaring maging tulay sa pagbabasa ng mga bata ng tuluyan o mas mahahabang kuwento.
Upang mas maging kasiya-siya ang pagbabasa, bigyan din ang mga bata ng pagkakataon upang gumawa ng kanilang mga tula. Gawing padron ang mga nailimbag ng mga tula ng Adarna House, tulad ng The Moon is My Friend, Buwang, Buwang Bulawan, at iba pa.