alimbayáw | balaybay

Noong isang taon, nagsulat kami linggo-linggo tungkol sa mga karaniwang pagkakamaling nagagawa natin sa Filipino. Ginawa namin iyon bilang paghahanda namin sa naganap na Unang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino.

At dahil nalalapit na ang ikalawang pagdaraos ng Kumperensiya, minarapat naming muling maghandog ng linggo-linggong paskil tungkol sa mahal nating wika. At ngayong taon, nais naming maghandog ng mga salitang Filipinong mahirap hanapan ng sansalitang salin sa Ingles, at sumasalamin sa makulay at mayaman nating kultura.

Mahuhulaan kaya ninyo ang kahulugan ng unang dalawang salita natin? Subukan nga ninyo:

alimbayáw
a) habol ng tingin hanggang mawala sa tanaw ang isang taong umalis
b) pagpapakasal sa kapatid ng dating asawa
c) paghingi ng ulam sa kapitbahay

balaybáy
a) pagpapalipat-lipat ng tahanan
b) kuwentuhan pagkatapos ng hapunan o bago matulog
c) pagbibigay ng balabal sa minamahal

Sagot: A, B

Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino:

a·lim·ba·yáw png 1: habol ng tingin hanggang mawala sa tanaw ang isang taong umalis 2: pagkabalisa

ba·lay·báy png 1: Ark bukás na pasilyong may bakod sa gilid 2: bumagsak na palapa ng palma 3: kuwentuhan o paglilibang pagkatapos ng hapunan o bago matulog 4: [Ilk Pan] sampay

Subaybayan ang susunod pang mga salita bawat Lunes, hanggang sumapit ang Kumperensiya sa ika-26 at 27 ng Oktubre, at samahan ninyo kaming tumuklas sa yaman ng wikang Filipino!

1 Comment

Filed under Adarna House, Literature & Literacy

One response to “alimbayáw | balaybay

  1. Pingback: handál | idiyâ | The Adarna House Blog