Bukod sa teksto, mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng mga larawan sa pagkukuwento ng isang akdang pambata. Sa katunayan, mayroong mga aklat pambatang sadyang hindi ginagamitan ng mga titik. Ang mga larawan na mismo ang nagkukuwento para sa mga batang mambabasa: mga wordless book.
Nakatutulong ang mga wordless book sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga batang magbigay-kahulugan. Habang masusi nilang pinagmamasdan
ang mga larawan sa isang wordless book, naipapahayag at naipaliliwanag nila ang kanilang nakikita sa bawat pahina. Sa pamamagitan nito, unti-unti silang nakabubuo ng kuwento sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa mga larawan. Hinahasa rin ng mga wordless book ang kakayahan ng mga bata sa wika.
Makabubuti rin kung sasamahan ng mga magulang ang mga bata sa pagbabasa ng isang wordless book. Maaari silang tanungin kung ano sa palagay nila ang magiging katapusan ng kuwento o kung ano ang maaaring sinasabi ng mga tauhan. Tiyak na magiging kasiya-siya para sa mga bata ang ganitong gawain. Kung magpapatuloy ito, tiyak na ang mga bata na rin mismo ang makatutuklas ng kanilang hilig sa pagbabasa.