Sa nakaraang kumperensiya para sa Early Childhood Education noong ika-4 at 5 ng Mayo, ipinaliwanag ni Dr. Michael Tan, dekano ng UP College of Social Sciences and Philosophy na ang simpleng paraan upang tumatak sa isipan ng mga bata ang pagiging Filipino ay ang paggamit mismo sa mga bagay at simbolong maka-Filipino bilang halimbawa sa pagtuturo.
Isang halimbawa na rito ay ang pagtuturo tungkol sa limang pandamdam (five senses) ng isang tao. Ayon kay Dr. Tan, mas makabubuti kung may kinalaman sa pagiging Filipino ang mga bagay na gagamiting halimbawa sa mga klase upang mas madaling makilala at pahalagahan ng kabataan ang kanilang pagiging Filipino.
Para sa pagtuturo tungkol sa paningin, gumamit ng mga halimbawa ng mga katutubong kagamitan tulad ng salakot, balsa, o tinalak sa pagpapakilala ng iba’t ibang hugis at kulay.
Para sa pagtuturo ng pang-amoy, ipakilala ang iba’t ibang amoy ng mga bulaklak gaya ng sampagita, waling-waling, at kápa-kápa.
Para sa pagtuturo ng pandinig, gamiting gabay ang mga katutubong instrumento ng mga magkakaibang pangkat-etniko upang ipakilala ang mga tunog na malakas, mahina, matinis, at mababa katulad halimbawa ng pagkakaiba ng tunog ng agung at kulintang. Maaari ring gamitin ang instrumentong Filipino upang ipakilala ang iba’t ibang uri ng instrumento tulad ng kudlong ng Palaw’an at surimbao ng Agta bilang mga instrumentong may kuwerdas (stringed instruments).
Para sa pagtuturo ng panlasa, gamitin sa pagpapakilala rito ang mga pagkaing Filipino.
Para sa pagtuturo ng pandama, gamiting halimbawa ang mga hinabing tela at mga likhang-kamay ng mga Filipino. Halimbawa ay ang pagkakaiba ng tela ng kanilang uniporme at inabal na habi ng Tagabawa-Bagobo.
Sa ganitong paraan, madali nilang makikilala ang kanilang lahing pinagmulan at mabibigyang-halaga ang lahat ng bagay na may kinalaman sa ating pagka-Filipino.