Pagbabasa: Rekomendado mula edad 0

Nabanggit na namin noong nakaraan ang kahalagahan ng pagbabasa at kung paano makahihikayat ng mga bata na magbasa.

Tanong: Pero kailan nga ba dapat umpisahang turuang magbasa ang mga bata?

Sagot: Kahit wala pa silang 1 taon!

Ayon sa mga pananaliksik, kapag kaya nang magbuhos ng atensiyon sa isang bagay ng mga bata, maaari na silang turuang magbasa. Ang ganitong kakayahan ay nagsisimulang mabuo sa mga bata kapag sila ay nasa ikaapat na buwan na.

Hindi naman ibig sabihing mababasa na talaga nila ang libro (makita nila ang salita at mabigkas nila ito), pero maaari na nilang makita ang mga larawan sa libro, at maging interesado sa mga ito. (Payo: para sa mga bata 0-2 taon, magandang bigyan sila ng matitibay na libro — board books — dahil nakatutulong ang paghawak nito sa kanilang motor skills. At mula 0-6 buwan, makatutulong naman sa kanilang paningin ang mga librong itim, pula, at puti ang nilalaman.)

Pinapayuhan din ang mga magulang na magbasa kasama ang mga anak sa loob ng lima hanggang sampung minuto araw-araw. Sa ganitong paraan, unti-unti nilang naipapakilala sa mga musmos ang saya ng pagbabasa.

Tandaan, nag-uumpisa ang pagbabasa sa bawat tahanan. Ang hilig sa pagbabasa ay isa sa mahahalagang pamana ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ang isang batang mahilig magbasa ay tiyak na may mas malawak na kinabukasan!

Comments Off on Pagbabasa: Rekomendado mula edad 0

Filed under Adarna House, Literature & Literacy

Comments are closed.