Ikuwento rin natin ang sariling atin!

Sa ating panahon, napakadali na para sa ating lahat ang makaalam at makisalamuha sa kultura ng ibang bayan. At mahalagang kunin natin ang pagkakataong matuto tungkol sa mga tao o lugar na kaiba sa atin.

Subalit, kailangan nating kilalanin na mayroon rin tayong mayaman at makulay na kultura at napakahalagang malaman rin ito ng mga batang nakapaligid sa atin. Sabi nina Bredekamp at Copple, upang maging responsable tayong guro o magulang, kailangang nakasalalay sa angkop na kultura ang mga pasya natin ukol sa mga ituturo sa isang bata. Ang pagpapasya ayon sa “kaalaman sa panlipunan at pangkulturang kontekstong ginagalawan ng bata” ay mahalaga upang “masigurong ang mga karanasan nila sa pagkatuto ay may kabuluhan, kapaki-pakinabang, at may paggalang sa bata at sa kaniyang pamilya.” [1]

Ito ang mensahe ng kampanyang inisip at nilikha ng Seven A.D, isang independiyenteng ahensyang pang-advertising at marketing, kung saan nagsisilbing Creative Director si Russell Molina, isa sa mga paboritong manunulat ng aming mga mambabasa.

Ikuwento rin natin ang sariling atin! Sa pamamagitan ng mga nilikhang poster ng Seven A.D., hangad nila (at namin din!) na mahikayat ang mga magulang at guro na ipakilala rin sa mga batang Filipino ang mga kuwentong nilikha talaga para sa kanila ng mga Filipino ring manunulat at ilustrador.

Sinisuguro naming makikita ng mga bata ang sarili nila sa mga pahina ng mga aklat pambata ng mga Filipinong limbagan. At sa paraang ito, magkakaroon sila ng matalik na pagkakakilala — at pagmamahal — sa kanilang sarili, wika, at kultura.

Lubos ang pasasalamat namin sa Seven A.D. sa paglikha ng makabuluhang kampanyang sumasalamin sa iisa naming hangarin para sa mga bata at panitikang Filipino. At lalo na, dahil pinayagan nila kaming ipaskil dito ang mga imahen ng mga poster para puwede ninyong ma-download at mai-print ang mga ito. (I-click lamang ang mga poster para sa mas malaking imahen.)

[1] Bredekamp, S., & Copple, C. (Eds.). (1997). Developmentally appropriate practice in early childhood programs (Rev. ed.). Washington, DC: National Association for the Education of Young Children.

1 Comment

Filed under Adarna House, Literature & Literacy

One response to “Ikuwento rin natin ang sariling atin!