Bása, batà!

Mahilig ka nga magbasa, pero bakit ang anak/kapatid/estudyante mo ay hindi?

Marami na kasing paraan upang malibang ang mga bata. Mayroong TV, computer, video games, at iba pa. Pagdating naman sa pag-aaral, parang kinakabisado na lang nila at hindi iniintindi nang mabuti ang babasahin. Kaya naman hindi sila lubusang nasisiyahan sa pagbabasa.

May mga tinukoy na mungkahi si Dr. Nina Lim-Yuson, isang eksperto sa edukasyon, para mahikayat ang mga batang magbasa. Sabi niya, sa simula ay dapat makuha ang atensiyon ng mga bata sa pamamagitan ng pag-iisip ng bagay o paksang makakapukaw ng pagkamausisa ng mga bata. Kasunod na nito ang pagkasabik nilang matuto tungkol sa bagay o paksang iyon, kaya naman walang humpay na silang magtatanong tungkol dito. Kailangang may tiyaga at pasensiya tayong sagutin ang kanilang mga tanong sa abot ng ating makakakaya.

Paano kung maubusan na tayo ng sagot?

Isa na ito sa maraming pagkakataong magbuklat ng libro sa harap nila. Sa simula, maaaring parang nagtutulong lamang tayong naghahanap ng sagot, ngunit diyan na magsisimula ang panibagong oryentasyon ng bata sa gamit ng libro. Kapag paulit-ulit pa itong ginawa, tiyak na sa susunod ay sila na mismo ang magbubuklat ng libro upang magbasa.

Kung lahat siguro ng mga magulang, ate, kuya, at guro ay magpapamalas ng kanilang hilig sa pagbabasa, marami nang bata ang mahihikayat gumaya!

Comments Off on Bása, batà!

Filed under Adarna House, Literature & Literacy

Comments are closed.