Simula sa darating na pasukan, siguradong magiging maingay na ang mga mag-aaral sa bawat klasrum!
Sa bagong K-12 curriculum kasi ay maglalaan na ng oras para sa paggamit ng mother tongue sa bawat klase. Ibig sabihin, ang nakasanayang wika na ang gagamitin ng guro at ng mga mag-aaral sa loob ng klasrum habang sila ay nagkaklase. Ang mga wikang tinutukoy ay ang labing-isang pangunahing wika at diyalekto ng Filipinas: Bikol, Cebuano, Chavacano, Hiligaynon, Ilokano, Kapampangan, Maguindanaon, Meranao, Pangasinan, Tagalog, at Waray.
Base na rin ito sa pag-aaral na ginawa ng Kagawaran ng Edukasyon sa mahigit na 900 paraalan sa buong bansa! Isipin mo, lahat ng mga mag-aaral ay naging madaldal at malayang nakapagpahayag ng kanilang damdamin. Hindi sila kinabahan sa pagsagot sa tanong ni Titser dahil baka magkamali sa paggamit ng wikang Ingles o hindi kaya ay sa pagbigkas ng mga salita sa Tagalog. Naging mas mahusay pa sila sa kanilang talakayan!
Kaya sa darating na pasukan, siguradong hindi na lang basta recess ang aabangan ng mga estudyante araw-araw!