Unang Kumperensiya: tagumpay!

Naging matagumpay ang paglulunsad ng Unang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino noong ika-22 ng Oktubre sa Leong Hall sa Ateneo de Manila University.

At lubos kaming nagpapasalamat sa dumalong 120 guro ng Filipino mulang Luzon — nagulat at lubos kaming napaligaya ng mga dumayo pa mula La Union at Naga. (100 lamang dapat ang kalahok, pero dahil kasya pa naman sa mga kuwarto ng Ateneo, hindi na namin natanggihan ang humabol na 20.) Salamat sa inyong pasensya at disiplina sa pagpila at pag-akyat ng limang palapag dahil sa nasirang elevator. (Anong samang palad!)

Kailangan rin siyempre pasalamatan ang Kagawaran ng Filipino ng Ateneo, sa pamumuno ng ulirang Dr. Alvin Yapan. Utang na loob rin namin ang panahong iginugol ng mga naging tagapagsalita: Virgilio S. Almario, Dr. Michael M. Coroza, Leonor Diaz, Claudette Ulit, Jayson Petras, Nanoy Rafael, Dinalene Castañar, at Pamela Cruz. (Pumalit si Dr. Coroza kay Dr. Lumbera, kahit na sa aming biglaang paanyaya matapos makuha ang balitang hindi na makadadala si Dr. Lumbera sa mga kadahilanang pangkalusugan.)

Sa susunod na taon naman po, hahabaan natin ang Kumperensiya sa dalawang araw, at dadamihan na rin ang mga kalahok hanggang 200. Magkita-kita po tayo sa 2012!

Comments Off on Unang Kumperensiya: tagumpay!

Filed under Adarna House, Workshops

Comments are closed.