[kasing bilis], [kasimbilis], o [kasing-bilis]?

Kumusta na ang Filipino mo? Panghuli na namin ang entry sa sunod na linggo, kaya sana ay may napulot naman kayo kahit kaunti lang. :)

O, alin ba ang tamang pagbabaybay:

kasing bilis
kasimbilis
kasing-bilis

Sagot: kasimbilis

Una, ang kasing- ay isang panlapi (tulad ng kay-) at siyempre, mawawala na sa usapan ang gitling at puwang sa pagitan nito at ng salitang-ugat.

Pero bakit naging kasim- ang kasing-?

Tandaan na ang ating mga unlaping nagtatapos sa –ng- (ipang-, nang-, makapang-) ay nagbabagong-anyo ayon sa nilalapian nitong salita. O para mas malinaw, ayon sa unang titik ng nilalapian nitong salita.

Nagiging m ang ng sa mga ito sa paglalapi ng mga salitang nagsisimula sa b (hal. nambato, pambayad) at p (hal. pampainit, kasimpula); at nagiging n naman kapag nilalapian ang mga salitang nagsisimula sa d, l, r, s, at t (hal. sinduwag, manloloko, sinrami, ipansuklay, pantukoy).

Pero, tulad ng tunay na buhay, maraming bumabali sa mga tuntuning ito. Nagkakaroon ng pagsasanib ng panlapi at salitang-ugat, na madalas mangyari sa mga salitang nagsisimula sa b, d, p, s, at t. Halimbawa: mamigay, panalangin, ipamahid, maipanukli, at mapanukso.

***

Linggo-linggo, magsusulat kami tungkol sa mga karaniwang pagkakamaling nagagawa natin sa Filipino. Ito ay bilang paghahanda namin sa gaganaping Unang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino sa ika-22 ng Oktubre ngayong taon, sa pakikipagkatuwang ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University.

Advertisement

Comments Off on [kasing bilis], [kasimbilis], o [kasing-bilis]?

Filed under Adarna House

Comments are closed.