Kumusta ang Filipino mo?
Alin ang tama:
nagphophotocopy
nagfo-photocopy
nagpo-photocopy
Sagot: nagpo-photocopy
Noong isang linggo, napag-usapan natin na ang daling gamitin ng panlaping nakaka- sa code switching. Napag-usapan na rin natin ang paggamit ng gitling sa paglalapi ng mga salitang banyaga.
E paano kung kailangan nating ulitin ang unang pantig ng salitang banyag? Madali lang, halimbawa, ang naa-appreciate, o magba-basketball, dahil hindi naman mahirap isipin kung paano uulitin ang unang pantig.
Pero paano kung ang salitang kailangan mo ay brown, o champagne, di kaya, katulad ng tanong natin, photocopy?
Dalawa lamang ang pangunahing tatandaan:
- Ang pag-uulit ng pantig ay likas na bahagi ng wikang Filipino. Kung gayon, kapag nag-uulit tayo ng pantig ng isang banyagang salita, may nagaganap na pagsasa-Filipino sa pagbabaybay ng inuulit na pantig.
- Huwag kalimutan ang gitling!
Kung gayon, tama ang nagpo-photocopy dahil isina-Filipino dito ang unang pantig ng photocopy: ang [pho-] ay naging [po-], at nadugtungan ito ng gitling.
Para sa mga salitang tulad ng brown, na mayroong consonant blend (gr, fl, st, etc.), kukunin lamang ang unang katinig at ang tunog ng unang patinig. Kung gayon, hindi natin hinahango ang fried chicken sa mantika hangga’t hindi pa ito nagba-brown. At ang koryente minsan ay nagpa-fluctuate.
Para naman sa digraphs, gamitin ang ts para sa ch ng church, at sh para ch ng champagne. Halimbawa: Ano ba yan, nagsha-champagne habang nagtse-church!
Balingunguy? Kaya ninyo yan, hanggang Oktubre pa tayo dito. Sa sunod ulit na Biyernes! :D
***
Linggo-linggo, magsusulat kami tungkol sa mga karaniwang pagkakamaling nagagawa natin sa Filipino. Ito ay bilang paghahanda namin sa gaganaping Unang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino sa ika-22 ng Oktubre ngayong taon, sa pakikipagkatuwang ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University.
ah ganon pala yun! salamat Adarna. sana tuloy tuloy ang mga posts na ganito. :D
Walang anuman! Opo, hanggang Oktubre po tayo magsusulat tungkol dito. :)
Di ba dapat po “Nagsya-champagne” kase nga isina-Filipino?
ok, got the answer na from a friend. may ganyang sound sa Filipino at ginagamit din sa ortograpiya, lalo na sa pag-spell ng hiram na salitana na-integrate na sa Filipino language.
Opo, at napag-usapan na rin po ang tungkol sa /sh/ sa nakaraang post. :) https://adarnahouse.wordpress.com/2011/09/09/pagsasa-filipino-ng-mga-banyagang-salita-2-bahagi-ng-2/