Medyo nahuli. Gayunpaman, ipagpatuloy natin ang huli nating usapan.
Nangako kaming pag-usapan kung paano isinasa-Filipino ang pagbabaybay ng mga salitang hiniram mula sa ibang bansa.
Sa Gabay sa Editing sa Wikang Filipino (Sentro ng Wikang Filipino, 2004), binigyang-diin ang panghihiram natin mula sa Ingles at Espanyol — dalawang wikang may malaking impluwensiya sa Filipino.
Unahin natin ang mga napagkasunduan kapag nanghihiram tayo sa Espanyol, at dahil medyo marami, mamimili lamang tayo ng ilan:
- Kapag nanghihiram tayo ng salitang nagsisimula sa letrang E, sa E pa rin ito magsisimula kapag isina-Filipino. (Hal. espesyal, espiritu, eskuwela).
- Huwag kalimutan ang ating Y at W. Sinisingitan o pinapalitan ng Y ang letrang I kapag may kasunod itong patinig. (Hal. aberia = aberya, Miercoles = Miyerkoles, evolucion = ebolusyon, colegio = kolehiyo)
Gayunrin, sinisingitan o pinapalitan ng W ang letrang U kapag may kasunod itong patinig. (Hal. carruaje = karwahe, cuento=kuwento, estatua = estatwa)
- Puwera na lamang kung ang hinihiram natin ay may letrang Q. Binabaybay ito ayon sa bigkas. (Hal. quincenas = kinsenas, querida = kerida)
Sa Ingles naman,
- Kung nagsisimula sa S at isa pang katinig ang salita, sinisimulan naman nating ang pagbabaybay sa IS. (Hal. iskolar, isport, iskrin)
- Gawing TS ang CH. (Hal. tseke, tsart, tsaperon)
- Panatilihin ang SH. (Hal. workshop, shake, shed)
E… puwede bang, para madali, huwag na lang isa-Filipino yung mga salita? Mayroon din namang hindi na kailangan pang isalin. Dapat panatalihin ang baybay ng mga pangngalang pantangi (Hal. Jonathan, Xerox, Hollywood), terminong akademiko (Hal. force majeure, carbon dioxide, account).
Gayundin, hindi na kailangan pang isalin ang mga salitang mahirap nang makilala kapag isina-Filipino ang baybay, tulad ng faux pax, chewing gum, o jai alai. Ganito rin ang mga salitang kilala nang ginagamit sa orihinal nilang anyo, halimbawa: e-mail, tax-free, zone.
Tandaang ang pangunahin naman nating layunin sa komunikasyon ay ang magkaintindihan. Kung sa iyong palagay, ang pagsasalin ay makalilito lamang sa halip na makatulong, mas maganda nga sigurong panatilihin na lamang natin ang orihinal na baybay ng mga salitang hiram.
***
Linggo-linggo, magsusulat kami tungkol sa mga karaniwang pagkakamaling nagagawa natin sa Filipino. Ito ay bilang paghahanda namin sa gaganaping Unang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino sa ika-22 ng Oktubre ngayong taon, sa pakikipagkatuwang ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University.