Mula sa usapang codeswitching, pumunta naman tayo sa pagsasalin: Ano ang iyong gagawin kung mayroon kang iniisip na salitang banyaga pero gusto mo itong sabihin sa Filipino?
Ito ang mga iminumungkahi ng Sentro sa Wikang Filipino, ayon sa kanilang Gabay sa Editing sa Wikang Filipino. Nakahanay ang mga ito mula sa pinakarekomendadong paraan ng panghihiram:
1) Siyempre, pinakamagandang kumonsulta sa isang maaasahang diksiyonaryo upang tumingin ng direktang salin sa wikang Filipino.
2) Manghiram ng katumbas na salita mula sa Espanyol, at isa-Filipino ang baybay nito.
3) Manghiram ng katumbas na salita mula sa Ingles (kahit ang mga hiniram rin ng Ingles mula sa ibang wika), at isa-Filipino ang baybay nito.
4) Hiramin nang buo sa Ingles, ibig sabihi’y hindi na isasa-Filipino ang pagbabaybay.
5) Lumikha ng bagong salita at baybayin ito sa Filipino.
Sa sunod na Biyernes, pag-uusapan naman natin kung paano isinasa-Filipino ang pagbabaybay ng mga salitang hiniram mula sa ibang bansa. Hanggang sa muli!
***
Linggo-linggo, magsusulat kami tungkol sa mga karaniwang pagkakamaling nagagawa natin sa Filipino. Ito ay bilang paghahanda namin sa gaganaping Unang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino sa ika-22 ng Oktubre ngayong taon, sa pakikipagkatuwang ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University.