Kumusta ang Filipino mo?
Alin ang mali?
ngunit
subalit
bawat
hanggat
Sagot: Mali ang hanggat.
Mali rin ang bastat, anupat, bagamat. Upang maitama, tandaang ang mga ito ay salitang-ugat na dinikitan ng at. Kung gayon, dapat ay nilalagyan natin ang mga ito ng kudlit: basta’t, anupa’t, kaya’t, bagama’t.
Kung tutuusin, katulad lang naman ng mga ito ang mga salitang wala nang kudlit sa kasalukuyang panahon: bakit (bakin at), bawat (bawa at), sapagkat (sapagka at), at subalit (subali at).
Ibig sabihin ba ay maaari na rin nating tanggalan ng kudlit ang unang pangkat ng mga salita? Hindi po. Bakit? Sapagkat kaiba sa mga salitang bakin, bawa, sapagka, at subali, hindi pa namamatay ang paggamit natin sa mga salitang basta, anupa, kaya, at bagaman.
Hangga’t hindi pa tuluyang namamatay ang mga salita sa unang pangkat, hindi pa natin maaaring isilang ang mga bagong salita. Isa lamang iyan sa mga nakaiimpluwensya sa ebolusyon ng wika.
***
Linggo-linggo, magsusulat kami tungkol sa mga karaniwang pagkakamaling nagagawa natin sa Filipino. Ito ay bilang paghahanda namin sa gaganaping Unang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino sa ika-22 ng Oktubre ngayong taon, sa pakikipagkatuwang ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University.