Kumusta ang Filipino mo?
Alin ang tamang pagbabaybay:
maka-Adarna
makaadarna
makaAdarna
Sagot: maka-Adarna
Kung tunay kang maka-Adarna, dapat medyo alam mo na ang tamang sagot! Di ba, sinabi namin sa huli naming update na magtatalakay kami ng eksepsyon sa nakaraang tuntunin?
Eto na nga. :p
Para lang mabalikan natin, ang huli nating nalaman ay inihihiwalay natin ang unlapi sa salitang-ugat kung nagtatapos ang panlapi sa isang katinig at nagsisimula ang salitang-ugat sa patinig.
Sa maka-Adarna, kahit hindi naman nagtatapos ang unlapi sa katinig, gumamit pa rin tayo ng gitling sapagkat ang ginamit na salitang-ugat ay isang pangngalang pantangi (proper noun). Ang iba pang halimbawa ay taga-Malabon, pang-Xerox, mag-Jollibee.
Ngunit sandali lamang, meron pa! (Hahaha, ang pangit ng salin!) Gumagamit rin tayo ng gitling kapag ang nilalapiang salita ay hiram sa ibang wika AT hindi isina-Filipino ang pagbabaybay nito. Halimbawa, magpa-burger, paki-load, nakipag-date.
Tandaang nag-a-apply lamang ang huling tuntunin kapag HINDI binago ang pagbabaybay ng hiram na salita. Kapag isina-Filipino na ang baybay, itinuturing nang Filipino ang salita, at kailangan nang sundin ang natalakay natin noong isang linggo. Ang halimbawa ng mga ito ay magdrowing, makiteks, maleleyt.
Ito na ang huli nating aralin tungkol sa mga gitling. Kung sakaling may mga katanungan pa kayo ukol dito, mag-post lamang kayo ng mga tanong at susubukin naming sagutin. ;-)
Sa sunod na linggo, lilipat naman tayo sa ibang bantas: ang kudlit (apostrophe).
***
Linggo-linggo, magsusulat kami tungkol sa mga karaniwang pagkakamaling nagagawa natin sa Filipino. Ito ay bilang paghahanda namin sa gaganaping Unang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino sa ika-22 ng Oktubre ngayong taon, sa pakikipagkatuwang ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University.