pinakapinagkakaabalahan o pinaka-pinagkakaabalahan?

Kumusta ang Filipino mo?

Alin ang tamang pagbabaybay:

pinakapinagkakaabalahan
pinaka-pinagkakaabalahan

Sagot: pinakapinagkakaabalahan

Nakakaaliw pag-isipan ang mga salitang-ugat natin at kung paano nagbabago ang mga kahulugan ng mga ito basta’t lagyan nating ng panlapi. At napakarami nating panlapi!

Pero kahit gaano man karaming panlapi ang idikit natin sa isang salitang-ugat, HINDI natin ito dapat nilalagyan ng gitling puwera na lamang kung nagtatapos ang panlapi sa isang katinig at nagsisimula ang salitang-ugat sa patinig.

Binibigyang-linaw ng gitling na ito ang tamang bigkas ng salita. Sinasabi nito sa atin na kailangang bigkasin natin nang magkahiwalay ang pag at unawa sa pag-unawa (at hindi pagunawa na parang paggunaw na may a sa dulo).

Kaya kapag ang mga pinag-uusapan na nating mga unlapi ay mag-, nag-, pag-, pang-, mang-, nang-, pakikipag-, atbp., kailangan nating mag-ingat at mag-isip kung lalagyan natin o hindi ng gitling ang salita.

At ibig sabihin, hindi ginagamitan ng gitling ang mga unlapi nating nagtatapos sa patinig (naka-, maka-, pinaka-, pa-, ma-, maki-, magka-, atbp.).

[Siyempre, mayroong eksepsyon sa tuntuning ito. Tatalakayin natin ‘yan sa sunod na linggo.]

***

Linggo-linggo, magsusulat kami tungkol sa mga karaniwang pagkakamaling nagagawa natin sa Filipino. Ito ay bilang paghahanda namin sa gaganaping Unang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino sa ika-22 ng Oktubre ngayong taon, sa pakikipagkatuwang ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University.

Advertisement

1 Comment

Filed under Adarna House, Literature & Literacy

One response to “pinakapinagkakaabalahan o pinaka-pinagkakaabalahan?

  1. Salamat sa pagbabahagi po nitong aralin na ito. Isa ito sa palagi kong pinag-iisipan at nawa’y hindi kayo magsawa sa pagbibigay ng ganitong klaseng impormasyon.

    mabuhay!