Kumusta ang Filipino mo?
Bilang pagpapatuloy sa huli nating usapan, alin ang tamang pagbabaybay:
haluhalo
halo-halo
halu-halo
Sagot: [Parang hindi magandang magbitaw ng sagot nang hindi muna nagpapaliwanag.]
Ganito kasi.
Noong unang panahon, itinuro sa atin ng ating mga guro na kapag nag-uulit tayo ng salitang-ugat, gagamit tayo ng gitling. Halimbawa, sa tayo-tayo, ihaw-ihaw, at sari-sari; ngunit hindi sa dingding, guniguni, at alaala, sapagkat wala naman tayong salitang ding, guni, o ala. (Kung kaya wala ring gitling ang paruparo, dahil wala namang salitang paro.)
Bukod roon, itinuro rin sa atin na kung O ang huling patinig ng salita, kailangang palitan ito ng U sa unang hati. Kung gayon, noong unang panahon, tama ang halu-halo.
Subalit sa inilabas na Gabay sa Editing sa Wikang Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, ang binabanggit na panuntunin lamang ay “Ginagamit ang gitling sa pagitan ng mga salitang inuulit.” Wala nang binanggit ukol sa pagpapalit ng U patungong O, at sa katunayan ay nakalista pa ang mga salitang ano-ano at sunod-sunod. Ibig sabihin, sa huling nangyaring estandardisasyon, halo-halo ang tamang pagbabaybay.
Ngunit ayon sa Vicassan’s Pilipino-English Dictionary, tama rin ang haluhalo na nakalista bilang variant ng halu-halo (na nakasalin bilang “mixed” at “an iced dessert…”). Sa UP Diksyonaryong Filipino naman, ang nakalista lamang na pagbabaybay para sa panghimagas nating may kung ano-anong sangkap ay haluhalo rin.
Kung gayon, ang tamang sagot ay halo-halo. (Subalit dahil may mga nahalungkat tayong variant, tinatanggap rin natin ang haluhalo.)
Marami pa kaming nakapilang entry tungkol sa paggamit ng mahiwagang gitling. Abangan!
***
Linggo-linggo, magsusulat kami tungkol sa mga karaniwang pagkakamaling nagagawa natin sa Filipino. Ito ay bilang paghahanda namin sa gaganaping Unang Kumperensiya sa Pagtuturo sa Filipino sa ika-22 ng Oktubre ngayong taon, sa pakikipagkatuwang ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University.
Saan kaya maaaring makakuha ng kopya ng Gabay sa Editing sa Wikang Filipino?
Meron ba nito sa bookstores?
Maraming Salamat!
Hi, Ms. Perps! Hindi ko po sigurado kung available ito sa malalaking bookstore. Pero dapat po, meron nito sa UP Press. May isa pa pong libro na maaari ninyong gawing sanggunian: Filipino ng mga Filipino ni Virgilio S. Almario. Mas may posibilidad pong makahuli kayo ng kopya nito sa mga bookstore. Ü
ang galing naman nitong pagsisiyasat ng mga salitang Pilipino. malaking bagay ito lalo na sa mga manunulat ng kasalukuyang henerasyon. aabangan ko pa ang ibang talakayan dito. salamat!
Maraming salamat! Malaking bagay sa aming marinig na may nakakakita ng kabuluhan sa mga pinaggagagawa namin. :D
Ibig sabihin, mag-iiba po pala ang kahulugan ng haluhalo at halo-halo kapag may gitling o wala? Papaano po ang salo-salo at salu-salo? Salamat po!
Hindi po magbabago. Pareho pong tama ang ‘haluhalo’ at ‘halo-halo.’